Sa unang tingin, ang pagpili ko ng isang pseudonym ay tila upang magtunog astig ‘ika nga. Ngunit may mas malalim itong kahulugan.
Nakakalungkot isiping habang humahakot ng pansin ang aking unang ngalang “Emperor” ay siya namang kawalang interes ang inabot ng aking piniling apelyidong “Magdiwang” na siyang mas masarap talakayin. Sa usapin ng pinagmulan ng aking pseudonym, sa mga lumipas na taon ang mga tanong na natanggap ko ay puro patungkol sa aking unang ngalang “Emperor”.
Hindi ko na tatalakayin ang pinagmulan ng aking unang ngalang “Emperor” dahil bukod sa isa itong mahabang salaysayin, ang aking apelyidong “Magdiwang” ay mas nagtataglay ng tunay na saysay at kasaysayan.
Agad kong naitanong, “Kung ganoon, bakit itinuturing na bayani si Aguinaldo?”
Nagsaliksik ako upang malaman ko ang buong katotohanan. Bukod sa pagkakapaslang kay Bonifacio, natuklasan ko rin ang tungkol sa mga paksyon ng Magdiwang at Magdalo at ang alitan sa pagitan nila. Kahit kailan ay hindi ito nabanggit sa mga klase namin sa kasaysayan ng Pilipinas. Natuklasan ko rin ang iba pang mga ‘di umano’y kataksilang ginawa ni Aguinaldo, partikular ang Kasunduan sa Biak na Bato at ang pagkakapatay kay Antonio Luna.
Lalong lumakas ang aking tanong, “Paano naging bayani si Aguinaldo?”
Habang lumalaki ako, lalong lumalakas ang nasabing tanong. Naging masakit ito para sa akin, lalo pa’t laging itinuturo sa mga paaralan na si Aguinaldo raw ang unang pangulo ng Pilipinas at tagapagtatag ng unang republika sa Asya. Masakit sa aking isiping ang aking lupang tinubuan ay naitatag ng pagtataksil at pagkaganid sa kapangyarihan.
Mas naging mahirap sa akin ito nang mag-aral ako sa UP Los Baños, kung saan ang mga estudyante ay kilala sa pagmamahal sa bansang Pilipinas. Ngunit minsan ay nasabi ko sa isang kaklase at malapit na kaibigan, “Bakit ko iibigin ang isang bansang itinatag ng isang kawatan?”
At madalas naitatanong, ”Bakit ganito natin binabasa ang ating kasaysayan?”
Sa mga nababahagian ko ng mga tanong na ito, karamihan sa kanila ay walang sapat na interes upang pag-usapan ang nasabing paksa. Wala silang pakialam.
Sa paglipas ng panahon, nanindigan na akong ang ating unang hakbang tungong kasarinlan ay isang malaking pagkakamali. Bilang isang taong lumaki sa bansang ito, labis akong nahiya sa kasaysayan ng aking sariling bayan.
At mula noon ay ikinabit ko na ang “Magdiwang” sa aking pseudonym bilang apelyido.
Ginawa kong apelyido ang “Magdiwang” sapagkat ang apelyido ay tumutukoy sa angkang pinagmulan ng isang tao. Ito ang lahing nananalaytay sa kanyang dugo. At kung ako ang tatanungin, nais kong dumaloy sa aking mga ugat ang mga adhikain ng paksyon ng Magdiwang.
Lumikha ako ng sariling pananaw: si Andres Bonifacio ang unang pangulo ng Pilipinas, hindi si Emilio Aguinaldo. Sa ganitong paraan kahit paano ay naibsan ang hiyang naramdaman ko sa ating kasaysayan.
Ngunit mahirap ihayag sariling paninindigan kung ito ay napapangibabawan ng mga pamantayan ng iyong kapaligiran. Ilan sa mga ito ay ang pagkakapangalan ng punong kampo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas kay Aguinaldo (Camp Aguinaldo), ang mismong pambansang awit natin ay ang opisyal na piyesang pangmartsa ng paksyon ng Magdalo na nilapatan lamang ng mga titik (ang orihinal na pamagat ng nasabing piyesa ay Marcha Filipina Magdalo), at ang pag-usbong ni Antonio Trillanes at ng kanyang pangkat na Magdalo (at nahalal pa si Trillanes bilang isang senador).
Minsan ko nang inisip na bigo na ako sa aking adhikain, ngunit nang ipalabas ng i-Witness ang dokumentaryong “Si Lolo Andres: Unang Pangulo?”, para akong nabunutan ng tinik sa dibdib dahil sa wakas ay naibahagi sa mga manonood ang tunay na Andres Bonifacio. Sistematikong inilahad ng i-Witness ang mga pag-aaral na nagpapatunay na si Andres Bonifacio nga talaga ang unang pangulo ng ating bansa. At taglay ang pambihirang giting, mahusay na inilahad ng i-Witness ang pagkakapatay sa kanya at sa kanyang kapatid na si Procopio. Nabanggit din ang isang pag-aaral tungkol sa umano’y dayaan sa halalan sa Tejeros, kung saan si Aguinaldo ay naging pangulo.
Ikinagalak ko nang maipalabas sa pambansang telebisyon ang nasabing dokumentaryo. Ikinatutuwa kong ang i-Witness ay naglakas loob na bigyang linaw ang ating kasaysayan. Hindi nakuntento ang i-Witness na bulag na lamang na sumunod sa mga nakasanayang pamantayan, bagkus kanilang ginamit ang kanilang kasanayan sa pananaliksik at pamamahayag upang ang katotohanan ay maibahagi sa mga manonood.
Nakakatuwang isiping bukod sa pakiramdam ko’y nagkaroon ako ng kakampi sa aking pananaw, sa pamamagitan ng dokumentaryong “Si Lolo Andres: Unang Pangulo?” nagkaroon ako ng mas malalim na pagkakaunawa hindi lamang sa ating kasaysayan kundi sa aking sarili. Higit kong naunawaan ang pinili kong landas na nakapaloob sa apelyidong “Magdiwang”.
Hindi ko alam kung maaabutan ko pa ang panahong sina Bonifacio at Aguinaldo ay mailalagay sa kanilang mga tamang lugar sa kasaysayan at sa wakas ay maiwawasto na ang pagkakasulat ng mga kahapon ng ating bansa.
Ngunit sa wakas ay may nagtanong din sa akin, “Nell, ‘di ba Emperor Magdiwang ang name mo sa Yahoo? Maka-Bonifacio ka ba? Kasi maka-Bonifacio rin ako eh.”